Pagkilala kay Patricia Non at sa iba pang nagtayo ng community pantries, isinulong sa Senado

Pinabibigyan ni Senator Grace Poe ng pagkilala sa Senado si Ana Patricia Non, ang nagpasimula ng community pantry at iba pang daan-daang mga volunteers ng community pantry sa buong bansa.

Nakapaloob ito sa Senate Resolution number 714 na inihain ni Poe kung saan kanyang binigyang diin na pinaalab ng mga nagtayo ng community pantry ang “bayanihan spirit” ng mamamayang Pilipino sa gitna ng pandemya.

Tinukoy ni Poe sa resolusyon ang pagbubukas ni Non ng community pantry sa tabi ng isang puno sa Maginhawa Street, sa Quezon City na nilgyan niya ng popular na slogan na “Magbigay ayon sa Kakayahan at Kumuha Batay sa Pangangailangan.”


Sabi ni Poe, ang pag-viral nito ay nagbigay inspirasyon sa iba na magtayo rin ng community pantry na ngayon ay umaabot na sa 6,700 sa iba’t ibang panig ng bansa.

Diin ni Poe, malaking tulong ang community pantry ngayong may krisis dahil sa pandemya kung saan marami ang nawalan ng kita o trabaho, walang makain at labis na naghihirap.

Facebook Comments