Maghahain ang kampo ni Senator Koko Pimentel ng Motion for Reconsideration sa oras na matanggap na nila ang desisyon ng Commission on Elections (COMELEC) na kumikilala sa Cusi faction bilang lehitimong partido ng PDP-Laban (Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan).
Umaasa si Pimentel na sa kanilang pag-apela ay maimumulat ng COMELEC En Banc ang mata nito para makitang depektibo ang petisyon ng PDP-Laban Cusi faction dahil kinatawan nito ang political party sa halip na indibidwal at walang Board Resolution.
Dismayado si Pimentel na ang luwag naman umano ng COMELEC kay Secretary Alfonso Cusi pagdating sa requirements at tinanggap ang petisyon kahit hindi sila awtorisadong maghain nito at hindi nakamit ang mga requirement.
Puna pa ni Pimentel, ang abogadong lumagda sa petisyon ng kampo ni Cusi ay wala ring Mandatory Continuing Legal Education requirement.
kinuwestyon din ni pimentel na tila inilihim sa kanila ang pag-refer ng petisyon sa COMELEC Division.
Diin ni Pimentel, halos 40 taon na silang bahagi ng PDP-Laban at ngayon ay ihihiwalay sila ng COMELEC dito dahil sa pagpabor sa kampo ni Cusi na lumahok lang sa partido sa nakalipas na limang taon.
Komento ni Pimentel, ang pasya ng COMELEC ay parang nag-uudyok pa ng pagpapalipat-lipat ng partido.
Sabi pa ni Pimentel, hindi rin dapat maging isyu ito ng paramihan ng mga miyembro pero mga peke naman.
Hiling ni Pimentel sa COMELEC, ikonsidera ang patakaran ng PDP-Laban na hindi sinunod ng Cusi faction.