Nagpaabot ng pasasalamat si dating Representative Ronnie Ong kay Pangulong Rodrigo Duterte sa pagsasabatas sa panukalang kumikilala sa mga foundling o mga batang inabandona ng mga magulang.
Si Ong na dating kinatawan ng Ang Probinsyano Partylist, ang siyang pangunahing nagsulong ng batas sa Kamara habang sa Senado naman ay si Sen. Grace Poe.
Dahil ganap ng batas, ang mga inabandonang bata ay otomatikong ituturing na Filipino citizen at hindi na kailangang patunayan ang kanilang citizenship.
Bukod sa pagkilala bilang natural-born Filipino, ang mga foundling ay makatatanggap na ang mga serbisyo na ibinibigay ng gobyerno.
Pinoprotektahan din ng batas ang mga foundlings laban sa diskriminasyon kung saan mahaharap sa parusa at multa ang sinumang indibidwal, organisasyon o juridical entity na magkakait sa kanilang mga karapatan bilang Pilipino.