Pagkilala sa sakripisyo ng mga health workers sa pamamagitan ng SRA, dapat na ibigay ng gobyerno – VP Robredo

Nanawagan si Vice President Leni Robredo sa pamahalaan na pakinggan at maghanap ng paraan para agad na maibigay ang nararapat na benepisyo para sa mga health workers.

Sa harap ito ng nakatakdang mass protest ng mga health workers sa Miyerkules, September 1, dahil sa hindi pa rin naibibigay na Special Risk Allowance (SRA).

Ayon kay Robredo, hindi naman na bago ang pandemya kaya dapat ay matagal nang inasikaso ng pamahalaan ng pagbibigay ng allowance sa mga health workers.


“Naiintindihan natin yung dahilan ng delay kasi hindi natin inaasahan na tatagal, pero ngayon walang excuse kung bakit hindi natin inasikaso. ‘Yung 2021 budget, ginawa siya panahon na ng pandemic. So ito, inaasahan natin na kakailanganin natin ito, dapat na tayo ng paraan para ibigay ito,” ani Robredo sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila.

“Hinintay pa natin na magkaroon ng mass actions para pakinggan sila. Dapat nga hindi na natin hinintay na magreklamo sila,” dagdag niya.

Giit pa ni Robredo, may basehan naman para mabigyan ng SRA ang lahat ng mga health workers dahil maging ang mga hindi nakatalaga sa COVID wards ay expose rin sa banta ng virus.

Naniniwala rin ang pangalawang pangulo na hindi pera ang ipinaglalaban ng mga health workers kundi ang tamang pagbibigay ng pagkilala sa kanilang sakripisyo sa panahon ng pandemya.

“I don’t think, na ‘yung pera ang pinag-aawayan dito e kundi ‘yung appreciation sa kanilang effort na ito sanang SRA, ‘yung pinaka-recognition ng pamahalaan. Ito yung pinaka-expression na kahit papano naiintindihan natin yung pinagdaraanan nila,” saad niya.

Facebook Comments