Isang karangalan sa buong sambayanang Pilipino ang pagkilalang iginawad ng Reyna ng Inglatera sa Pilipinong Nurse na si Charito Romano.
Ito ang inihayag ng Department of Labor and Employment (DOLE) matapos tumanggap si Romano ng Medal of the Order of the British Empire sa ilalim ng New Year Honours List 2021 ni Queen Elizabeth.
Ang mga pangalang napabilang sa listahan ay binibigyang pagkilala sa kanilang mahusay na pagtatrabaho at serbisyo.
Si Romano ay nagtatrabahong staff nurse sa Arbook House Care Home sa Esher, England mula nitong 2018.
Nang magsimula ang pandemya noong Marso, sinabi ni Romano na ipinagkatiwala sa kanya ang nursing home lalo na sa pagtulong sa mga pasyente at protektahan ang mga residente mula sa virus.
Halos walang pahinga ang kanilang pagtatrabaho para matiyak lamang na wala sinuman ang magkakasakit.
Nagbunga naman ang kanyang pagpupursige kung saan mula Marso hanggang Disyembre, nananatiling COVID-19 free ang kanilang nursing home.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, ang pagbati ay hindi sapat para ihayag kung paaano nagpapasalamat ang pamahalaan kay Romano sa karangalang ibinigay nito para sa Pilipinas.
Ang outstanding performance ni Romano ay sumasalamin sa galing ng mga Pilipino sa trabaho ano pa man ang kondisyon o banta sa kanila.