Pagkonsidera sa Japan para pondohan ang Bicol Express Rail Line, iminungkahi ng isang kongresista

Hinikayat ni Bicol Saro Party-list Rep. Brian Raymund Yamsuan ang gobyerno na ikonsidera ang Japan para pondohan ang proyektong pagbuhay sa Bicol Express Rail Line.

Ayon ay Yamsuan, naudlot ang pagsasakatuparan sa nabanggit na proyekto makaraang magpasya ang pamahalaan na alisin ang China para pagkunan ng pondo.

Binanggit ni Yamsuan na tinatayang aabot sa ₱142 billion ang first phase ng reconstruction ng Bicol Express Railway o South Long Haul Project.


Sabi ni Yamsuan, ang bahagi ng proyekto ay maaring tustusan sa ilalim ng Official Development Assistance mula sa Japan habang ang nalalabing bahagi nito ay maaring idaan sa  Public-Private Partnership (PPP) mode.

Giit ni Yamsuan, mahalagang matapos ang Bicol Express Rail Line dahil makakatulong ito sa pagresolba sa bumibigat na lagay ng trapiko patungo sa Katimugang Luzon at para din mabigyan ng alternatibong transportasyon ang publiko.

Diin pa ni Yamsuan, ang Bicol Express ay tiyak makatutulong sa pagpapalakas ng ating ekonomiya, magpapalago sa sektor ng turismo lalo na sa Bicol Region, magbibigay ng trabaho at oportunidad at makababawas din sa carbon footprint ng bansa.

Facebook Comments