Pagkonsulta sa MSMEs, dapat gawin din ng IATF

Iminungkahi ni Senator Grace Poe sa Inter-Agency Task Force (IATF) na makipag-ugnayan din sa mga negosyante lalo na ang kabilang sa Micro, Small and Medium Enterprises o MSMEs.

Ito ay para mapakinggan din ang kanilang panig kaugnay sa COVID-19 situation sa bansa at maipaalam sa kanila ang mga planong lockdowns para magkaroon sila ng sapat na paghahanda.

Paliwanag ni Poe, madalas ay nagugulantang ang mga negosyante sa pagpapatupad ng lockdowns kaya dahil sa kawalan ng preparasyon ay mas malaki ang nalulugi sa kanila at higit ding naapektuhan ang kanilang mga manggagawa.


Tinukoy ni Poe ang datos ng Department of Trade and Industry (DTI) na 10% ng MSMEs ang napilitang magsara simula nitong Hunyo dahil sa pagtaas muli ng COVID-19 cases dulot ng Delta variant.

Una rito ay inihain din ni Poe ang Senate Resolution No. 817 na nagsusulong sa Senado na magsagawa ng pagdinig ukol sa epekto ng quarantine protocols sa MSMEs.

Facebook Comments