Pagkuha ng fare matrix kada asosasyon, hiniling ng grupong PISTON

Nanawagan ang grupong PISTON sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na gawin na lamang kada asosasyon ang pagkuha ng fare matrix.

Ayon sa presidente ng grupo na si Ka Mody Floranda, hindi kasi lahat ng operator ay may kakayahan na magsumite ng kanilang requirements online.

“Ito ay lumabas ang desisyon last week, at inano na nga na ngayong October 3 ang umpisa… pero hindi kaya na tapusin ng mga operator yung pagkuha ng kanilang matrix lalo na sa kalagayan na hindi lahat ng operator ay may kakayanan na mag-submit po online,” ani Floranda sa interview ng RMN Manila.


“Kaya ang panawagan namin sa LTFRB, baka pwede namang per association na lamang ang pagkuha ng fare matrix para sa kanyang mga miyembro at syempre makakaluwag din ang LTFRB sapagkat hindi dadagsa ang mga tao sa kanilang ahensya,” dagdag niya.

Nabatid na epektibo na ngayong araw ang bagong minimum fare sa mga pampublikong sasakyan pero maraming tsuper ang hindi pa makapaningil ng dagdag-pasahe dahil sa kawalan ng fare matrix.

Samantala, ayon kay Floranda, posibleng hindi rin nila maramdaman ang taas-pasahe dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

“Kinikilala natin yung additional na piso dahil kung tayo e makaka-200 passengers per day e meron tayong additional na P200 sa kita ng ating mga driver at operator. Pero ito ay mawawalan ng saysay dahil hindi naman maapat ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin na alam naman natin sa ngayon ay talagang tumataas nang tumataas dahil sinasabi nga ng DTI, dahil ang Christmas Season ay papasok,” aniya pa.

Facebook Comments