Umani ng mga papuri at pasasalamat ang Philippine Coast Guard (PCG) mula sa grupong Federation of Free Workers (FFW) matapos na kumuha ang mga ito ng bagong 100 medical technologists para tumulong labanan ang COVID-19.
Ayon kay FFW President Atty. Sonny Matula, sinasaluduhan nila ang magandang ginawa ng PCG makaraang mag-hire ang naturang ahensiya ng 100 medical technologists upang palakasin ang mga medical worker para labanan ang nakamamatay na COVID-19.
Hinikayat ni Atty. Matula ang Department of Health (DOH) na gayahin din ang ginawa ng PCG na kumuha sila ng mga health worker bilang regular officers upang palakasin ang kanilang pwersa sa pagsugpo laban sa COVID-19.
Nanawagan din ang FFW sa DOH na i-regular na ang mga contract of service na health workers na kinuha ng Kagawaran kamakailan alinsunod sa mandato ng Section 23 ng Republic Act 11223 Universal Health Care Law na nagsasaad na para matiyak ang tuluy-tuloy na probisyon ng lahat ng health programs and services, lahat ng health professionals at health care workers ay ginagarantiya na magiging permanenteng empleyado at may sapat na sahod para sa kanila.