Pinabulaanan ni CongVax Program Head at Committee on Health Vice Chairman Jose Enrique “Joet” Garcia III ang isang Facebook post na kumakalat ngayon na kumuha raw ang Kamara ng libreng bakuna mula sa COVAX facility.
Nakasaad kasi sa Facebook post na nakatakdang bakunahan ngayon araw o sa Miyerkules ng AstraZeneca mula sa COVAX facility ang mga kongresista at mga congressional staff kasama ang apat na myembro ng bawat pamilya ng mga ito.
Pero giit ni Garcia, “fake news” at hindi totoong magsasagawa ng vaccination ang Kamara sa mga susunod na araw o linggo.
Sa katunayan aniya ay naglaan ng pondo ang Mababang Kapulungan mula sa sarili nitong budget para mabakunahan ang mga kawani at mga myembro ng pamilya.
Malinaw din aniya sa liderato ng Kamara na uunahing mabigyan ng COVID-19 vaccines ang mga nasa listahan ng Inter-Agency Task Force (IATF) batay na rin sa prioritization at criteria na itinakda ng National Immunization Technical Advisory Group (NITAG).
Batid din aniya ng Kamara na saka lamang mababakunahan ang mga empleyado ng gobyerno kapag tapos nang mabakunahan ang mga frontline workers sa national at local health facilities, senior citizens, may mga comorbidities at iba pa.
Sa ngayon ay tanging registration at pagpapalista pa lamang sa mga nais magpabakuna ang isinasagawa sa Kamara kung saan kasama dito ang media at inaasahang sa Hunyo pa darating ang mga inorder na COVID-19 vaccines.