Manila, Philippines – Pinigil ng Court of Appeals (C-A) ang nakatakdang deposition o pagkuha ng out of court testimony kay Mary Jane Veloso, ang OFW na nahatulan ng parusang bitay sa Indonesia dahil sa kasong drug trafficking.
Ito ay matapos maglabas ang C-A 11th Division ng Temporary Restraining Order na pumipigil sa nakatakdang deposition kay Veloso sa April 27, 2017.
Sa 3 pahinang resolusyon ng C-A 11th Division, tatagal ang nasabing TRO ng 60 araw.
Inilabas ang utos matapos dumulog ang kampo ng mga akusado na sina Maria Cristina Sergio at Julius Lacanilao sa C-A.
Nabatid na kapag natuloy ang deposition kay Veloso ay malalabag ang kanilang karapatan na makaharap ang nag-aakusa laban sa kanila.
Kasabay nito pinagbigyan din ng C-A ang hirit ng Office of the Solicitor General na bigyan sila ng dagdag na panahon para magsumite ng komento sa petisyon ng mga akusado.