Pagkuha ng travel authority ngayong GCQ, niluwagan ng PNP

638

Mas pinadali na ngayon ang pagkuha ng travel authority para sa mga gustong bumiyahe ngayong nasa General Community Quarantine (GCQ) na ang National Capital Region (NCR) at nasa Modified General Community Quarantine (MGCQ) ang ibang lugar sa bansa.

Ayon kay Joint Task Force COVID Shield Commander Lieutenant General Guillermo Eleazar, hindi na kailangang kumuha pa ng travel authority kung ang biyahe lamang ay sa Metro Manila at ganoon din sa mga lalawigan.


Pero para sa mga lalabas ng Metro Manila, kailangan nilang kumuha ng travel authority sa alinmang limang Police Districts sa NCR at hindi na kailangan sa National Capital Region Police Office (NCRPO).

Aniya, batay sa kautusan nina Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año at Philippine National Police (PNP) Chief General Archie Francisco Gamboa, ang mga Chief of Police na ang magbibigay ng travel authority kung sa probinsya lang ang biyahe.

Ngunit kung lalabas na ng probinsya at region ay kailangan ang Regional Director, Provincial o City Director ang magbibigay ng travel authority.

Isa sa pangunahing requirement bago bigyan ng travel authority ay ang Barangay Certification na ang bibiyahe ay hindi nagkaroon ng sintomas ng COVID-19 sa nakalipas na 14 na araw at Medical Certificate mula sa Municipal o City Health Office.

Giit pa ni Eleazar, ang mga emergency at mahahalagang lakad lang dapat ang dahilan ng biyahe dahil mataas pa rin ang banta ng COVID-19.




Facebook Comments