Kinwestyon ni Senator Richard Gordon ang pagkukumahog ngayon ng Senado na maipasa ang panukalang increase sa buwis na ipinapataw sa sigarilyo.
Giit ni Gordon, pwede naman na muling isulong sa 18th congress ang panukala na inihain kahapon sa Plenaryo ni Committee on Ways and Means Chairman Senator Sonny Angara.
Ngayong araw o bukas ang target ng Senado na maaprubahan ito sa huli at ikatlong pagbasa para agad maisalang sa Bicameral Conference Committee at marapikahan ng dalawang kapulungan sa susunod na linggo bago magsara ang 17th Congress.
Babala ni Gordon, ang pagmamadaling itaas ang buwis sa sigarilyo ay maaring magresulta sa pagtindi ng smuggling ng murang sigarilyo na nangyayari na umano sa Palawan at ilang bahagi n Mindanao.
Sabi pa ni Gordon, may mga Chinese na rin na nagpapasok na umano ng mga kagamitan sa paggawa ng sigarilyo sa Nueva Ecija, Bulacan at Pangasinan.
Ipinunto pa ni Gordon na kung ang layunin ng panukala ay mabawasan ang naninigarilyo ay mas mabuting ipagbawal na lang ang naturang bisyo.