Hindi natitinag ang paninindigan ni Committee on Health Chairman Senator Christopher Bong Go na sa halip pilitin ay mas makabubuting pag-ibayuhin pa ng gobyerno ang paghikayat sa mamamayan na magpabakuna laban sa COVID-19.
Reaksyon ito ni Go sa idea ni Health Secretary Francisco Duque III na gawin ng kongreso na mandatory ang pagpapaturok ng dalawang doses at booster ng COVID-19 vaccine.
Ayon kay Go, hindi man mapilit ang lahat na magpabakuna, ay dapat may sapat na kaalaman at insentibo ang mga tao para hindi na sila mag-alinlangan dahil bakuna talaga ang tanging susi o solusyon para malampasan ang pandemya.
Mungkahi ni Go sa gobyerno, ilapit ang bakuna sa tao at kung kailangan ay suyurin din ang bawat bahay sa mga pinakaliblib na lugar sa bansa.
Giit ni Go, huwag ng pahirapan ang ating mga kababayan sa pagpapabakuna, lalo na ang mga matatanda at mga nakatira sa malalayong lugar.
Umapela naman si Go sa mga hindi pa bakunado na huwag sayangin ang oportunidad na maproteksyunan laban sa sakit.
Diin ni Go, malinaw sa datos na maiiwasan ang malubhang epekto o kamatayan na dulot ng COVID-19 kung bakunado at ito ang tanging paraan para mabuhay nang ligtas kahit may banta pa ng COVID-19.