Iligal ang ginawang pagkumpiska ng mga Chinese sa supply ng mga sundalong nakatalaga sa Barko ng Republika ng Pilipinas (BRP) Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Ito ang binigyang diin ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr., matapos ang air drop resupply mission noong May 19 kung saan nakipag-agawan ang mga tauhan ng People’s Liberation Army Navy sa food supplies na para sana sa mga sundalong Pilipino.
Sakay ang mga Chinese ng Rigid hull inflatable boats.
Sa kabila ng insidente, itinuring na matagumpay ng AFP ang resupply mission.
Sinabi ni Brawner, nai-report na nila ito sa Department of National Defense at Department of Foreign Affairs (DFA) para sa kaukulang aksyon.
Samantala, pinabulaanan din ni Brawner ang umano’y panunutok ng baril ng mga sundalo.
PHindi rin naman nito itinanggi na armado ang mga sundalong nakatalaga sa BRP Sierra Madre.
Ayon kay Brawner, ang BRP Sierra Madre ay isang commissioned Navy ship kung saan ang mga tauhan nito ay awtorisadong magkaroon ng armas bilang bahagi ng self-defense.
Binigyang diin ng AFP na sumusunod sila sa rules of engagements at kumikilos nang may pinakamataas na antas ng propesyonalismo, restraint at discipline sa kanilang mga tauhan sa tungkuling pangalagaan ang soberanya at mga karapatan sa teritoryo ng bansa.