Nagpapatuloy ang San Fabian Police Station sa paghuli at pagkumpiska ng mga motorsiklong may nakakabit na illegal mufflers o sobrang maingay na tambutso sa kanilang nasasakupan.
Batay sa tala ng pulisya, umabot na sa 93 ang mga nakumpiska at nasirang illegal mufflers sa bayan mula Nobyembre 2025.
Kabilang na rito ang 66 tambutsong winasak sa isang public ceremonial destruction noong Enero 6, 2025.
Ayon sa pulisya, ang labis na ingay na dulot ng mga hindi awtorisadong muffler ay nagiging sanhi ng perwisyo sa publiko, banta sa kaligtasan ng mga motorista at pedestrian, at nag-aambag sa noise pollution sa bayan.
Dagdag pa rito, malinaw umanong paglabag ang paggamit ng modified mufflers saga umiiral na batas at Municipal Ordinance No. 17-S-2018 o Muffler Ordinance of 2018.
Samantala, maging sa iba pang bayan at lungsod sa lalawigan ay mahigpit na pinapaalalahanan ang publiko laban sa paglalagay at paggamit ng illegal mufflers.
Sa Dagupan City ay winasak rin ng City Police Office kahapon, Enero 7, ang 27 illegal na tambutso.
Patuloy na hinikayat ng kapulisan ang mga motorista na sumunod sa umiiral na mga regulasyon at nagbabala sa mga nagbabalak pa ring magkabit ng modified mufflers. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










