Ipinagtanggol ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang paghihigpit ng pamunuan ng MRT at LRT sa pagpapasok ng mga liquid product sa loob ng istasyon.
Sa harap ito ng reklamo ng ilang pasahero kung saan maliban sa bottled water, kinukumpiska na rin ng mga gwardiya pati cologne o pabango.
Sa interview ng RMN Manila, nilinaw ni NCRPO Director Chief Superintendent Guillermo Eleazar na nagbigay lang sila ng rekomendasyon sa MRT at LRT bilang bahagi ng pagpapaigting ng seguridad kasunod ng mga nangyaring pagpapasabog sa Mindanao.
Pero aniya, wala siyang ibinigay na listahan ng mga uri ng likidong bawal sa loob ng mga train station.
Gayunman, umapela si Eleazar sa publiko na sa halip magreklamo makipagtulungan na lang sa mga otoridad para maiwasan ang anumang tangkang panggugulo sa Metro Manila.