Kinalampag ni Senator Francis “Tol” Tolentino ang Department of Foreign Affairs (DFA) at iba pang kinauukulang ahensya ng gobyerno.
Ito ay para proteksyunan ang mga Overseas Filipino Worker (OFW) at tiyaking nasusunod ang kanilang karapatan na maingatan ang kanilang passport habang nagtatrabaho sa ibang bansa.
Mungkahi ito ni Tolentino kay Committee on Foreign Relations Chairman Senator Koko Pimentel para isama sa amyenda sa Philippine Passport Act.
Nais ni Tolentino na itakda ng batas na iligal ang pagkumpiska ng mga dayuhang employer sa passport ng mga Pilipinong manggagawa sa abroad.
Giit ni Tolentino sa DFA, makipag-ugnayan sa kanilang counterparts sa ibang bansa para matiyak na ito ay maipapatupad.
Sa pagdinig ng Senado ay tiniyak naman ng DFA sa pamamagitan ni Office of Consular Affairs Executive Director Maria Alnee Gamble na kanilang isasagawa ang hiling ni Tolentino.