Tinawag na “Ironic” ni House Deputy Minority Leader ang pagkwestyon ng gobyerno sa pag-i-isyu ng ABS-CBN Holdings Corporation ng Philippine Deposit Receipts (PDR) sa mga banyaga.
Ayon kay Zarate, nagsasalungat ang sinasabi at aksyon ng pamahalaan at mga kaalyado nito na tutol sa PDR ng ABS-CBN pero inaprubahan naman sa ikalawang pagbasa sa plenaryo ang Public Service Act na nagbubukas sa bansa sa dayuhang pamumuhunanan.
Giit ng kongresista, itinutulak ngayon ng mga kakampi ng administrasyon sa Kongreso ang foreign ownership sa mga public utilities tulad ng transportation, telecommunication at energy.
Babala ni Zarate, nakita na ng bansa ang epekto ng pagbubukas sa public service sa mga pribado at dayuhang kumpanya na lalo lamang umaabuso sa mga Pilipino.
Kapag tuluyang naging batas ay asahan na magiging super-profit generating at 100% foreign owned ang mga public utilities sa bansa.
Iginiit ng kongresista ang mahigpit na pagtutol sa panukala dahil buong sambayanan ang tiyak na mahihirapan dito.