Pinabulaanan ng ilang kongresista ang balitang lumabag sila sa health protocols matapos ang pulong kamakailan kasama si Technical Skills and Development Authority (TESDA) Director Isidro Lapeña at mga myembro ng Philippine Military Academy Alumni Association, Inc. (PMAAI) na ginanap sa Shangri-La Fort sa Taguig City.
Nangyari ang pulong noong November 20 kung saan kasama rin dito sina House Speaker Lord Allan Velasco, Deputy Speaker Michael Romero, DIWA Party-list Rep. Michael Edgar Aglipay at House Secretary-General Dong Mendoza.
Pero, kinabukasan ng November 21 ay natanggap ni Lapeña ang resulta na positibo siya sa COVID-19.
Giit dito ni Aglipay, walang katotohanan na pasaway ang mga house leaders sa pagsunod sa minimum health standards dahil mahigpit nilang sinunod ang health protocols.
Isinagawa nila ang meeting sa isang 100 square meter function room, mayroong isang metro ang layo sa bawat isa at nakasuot din sila ng face masks.
Matapos aniyang lumabas ang resulta ni Lapeña na positibo sa virus infection ay agad din silang sumailalim sa swab test at quarantine ng araw ding iyon.
Si Romero na kasama rin sa pulong ay agad na nagpa-antigen test at swab test nang malamang positibo si Lapeña.
Agad ding lumabas ang kanilang resulta at wala sa mga kongresista ang nagpositibo sa sakit.