Kasabay ng selebrasyon ngayong araw ng International Day of Indigenous Peoples, nakatakdang maghain si 3-Term Senator at Antique Lone District Rep. Loren Legarda ng resolusyon sa Kamara upang imbestigahan ang posibleng paglabag ng sikat na vlogger na si Nas Daily.
Ito ay may kaugnayan sa pag-feature ng vlogger sa katutubong si Apo Whang Od, ang pinakamatandang mambabatok sa Pilipinas na walang pormal na paalam.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Senator Legarda na kaniyang aalamin ang paglabag ni Nas Daily sa Indigenous Peoples Right Act of 1997.
Giit ng senador na isa sa mga nangangalaga sa karapatan ng higit 14-milyong katutubo sa bansa, bilang pagrespeto sa ating kultura, kay Apo Whang Od at mga katutubo ay dapat dumaan sa tamang proseso ang ginawa ng vlogger.
Una nang inakusahan ng apo ni Whang Od na scam ang tattoo online course dahil walang pinipirmahang kontrata ang traditional artist sa Nas Daily.