Paglabag sa karapatang pantao at karapatan sa pagkain ng mga mangingisda sa WPS, iimbestigahan ng Kamara

Nagkasundo ang mga miyembro ng House Committee on Human Rights na imbestigahan ang nangyayaring paglabag sa karapatang pantao at karapatan sa pagkain ng mga Pilipinong mangingisda sa Zambales, Bataan at Pangasinan.

Ang imbestigasyon ay tugon sa liham sa chairman ng komite na si Manila 6th District Rep. Bienvenido Abante ng Peoples Development Institute at Bigkis ng Mangingisda Federation.

Nakasaad sa liham na simula ng kontrolin ng China ang Bajo de Masinloc na tinatawag ding Panatag o Scarborough Shoal noong 2012 ay nahirapan na ang mga mangingisdang Pilipino na mamalakaya sa karagatang sakop ng ating Exclusive Economic Zone o EEZ.


Binanggit sa liham na ang ating mga mangingisda ay itinataboy habang agresibo naman ang akibidad ng mga Chinese fishing vessels sa ating EEZ at sila ay protektado ng China Coaast Guard, maritime militia at Chinese Navy.

Sinasabi sa liham na iligal umanong nakikinabang sa ating marine resources sa West Philipine Sea ang China at sinisira pa nila ang tirahan ng mga isda at ecosystem.

Iginiit sa liham kay Abante na ang nasabing gawain ng China ay may seryosong  epekto sa karapatang pantao at karapatan sa pagkain ng ating mga mangingisda.

Facebook Comments