May dalawang dahilang nakikita ang mga medical expert sa pagtaas ng bilang ng mga kritikal na kaso ng COVID-19 sa bansa.
Isa na rito ang hindi pagsunod sa physical distancing.
Sa interview ng RMN Manila, inihalimbawa ni Dr. Anthony Leachon, dating adviser ng National Task Force Against COVID-19 ang halos limang araw na pagpapatupad ng 0.75 meter physical distancing rule sa mga public transportation gayundin ang pagdagsa ng mga tao sa initial reopening ng Manila Bay White Sand Baywalk.
“Basta’t mayroon tayong break sa physical distancing, sigurado magkakaroon ka ng problema. Kaya nga ang request natin, wag muna tayo mag-modified GCQ, mag-GCQ muna tayo sa buong October kasi hindi naman tayo completely out of danger pa,” ani Dr. Leachon.
Isa pa sa nakikitang dahilan ni Dr. Leachon ay ang pagdami ng mga elderly patients na hindi na nakakapagpa-check-up dahil lahat ay nakatuon sa mga pasyenteng may COVID-19.
Aniya, dahil hindi hinihikayat ang pagpunta ng mga vulnerable patient sa mga ospital, mahalaga na nagiging maingat pa rin at sumusunod sa health protocols ang mga kasama nila sa bahay lalo na ang mga nanggagaling sa trabaho.
Kasabay nito, iminungkahi rin ni Dr. Leachon sa Department of Health (DOH) at sa mga Local Government Units na magtayo ng mga satellite clinics na malayo sa mga ospital para sa mga vulnerable patient.
“Marami rin kasi tayong mga pasyente na hindi natitingnan as a priority kasi lahat nakatuon sa COVID cases e. So kunyare, mataas ang blood pressure ko, mataas ang sugar ko tapos magdadala yung asymptomatic na carrier na anak nila from work into their house, biglang humihina ang resistensya nung mga nasa bahay,” paliwanag pa ng medical expert.
Batay sa tala ng DOH noong September 23, naabot na ng bansa ang 3% mark para sa critical COVID-19 cases.
Pero sa ngayon, hindi umano ito ikinaaalarma ng ahensya dahil nananatiling sapat ang health care system sa bansa.