Paglaban sa fake news at fake contents, isusulong ni dating Senate President Tito Sotto

Pangunahin na isusulong ni dating Senate President Vicente Sotto III ang paglaban sa fake news at fake content upang maprotektahan ang mga lehitimong media companies tulad na lamang ng Radio Mindanao Network (RMN).

Sa Managers’ Conference ng RMN sa Pasay City, sinabi ni Sotto na malaki ang impact ng RMN sa paghahatid ng balita bilang kabilang tayo sa mainstream media.

Subalit, batid ng dating senador na isa sa lumalaganap na problema ngayon lalo na sa online ang mga fake news at fake contents.


Bunsod nito, sakaling palarin muli sa 2025 midterm elections, isa sa uunahing isulong ni Sotto sa Senado ang panukala laban sa fake news at fake content.

Dagdag pa sa isusulong ni Sotto ang rightsizing sa mga ahensiya at tanggapan ng gobyerno na nadu-duplicate o nauulit lamang ang trabaho.

Sinabi ni Sotto na sa pamamagitan ng rightsizing ay mabibigyan ng mas malaking bahagi sa pondo ang mga programa at proyekto ng pamahalaan dahil sa ngayon 65% ng malaking bahagi ng national budget ay napupunta sa Personnel Services o pasweldo sa mga kawani ng pamahalaan.

Facebook Comments