Paglaban sa korapsyon, ilegal na droga, at rebelyon.
Ito ang mga inaasahang tatalakayin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address (SONA).
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo – may mga mahahalagang isyu rin ang hindi maaaring mawala sa SONA ng Pangulo, tulad ng West Philippine Sea at pagpapa-angat ng ekonomiya, maging ang kanyang mga legislative agenda.
Iuulat din ng Pangulo ang mga achievement ng administration sa nakalipas na tatlong taon, maging ang mga plano sa nalalabi ng kanyang termino.
Ibibigay ng Pangulo ang kanyang ika-apat na SONA sa Batasang Pambansa, kasama ang mga senador, kongresista, diplomatic corps at iba pang opisyal ng pamahalaan.
Nagpatupad na ang Civil Aviation Authority of the Philippines ng no-fly zone at drone limits.
Nasa siyam na libong pulis ang magbabantay sa paligid ng Batasan habang susuporta rin ang pwersa ng militar para mapanatili ang kapayapaan at kaayusan.