Hinimok ni Deputy Speaker at Antique Representative Loren Legarda ang mga kaukulang tanggapan at ahensya ng gobyerno na kumilos laban sa pagtaas ng kaso ng gender-based violence sa gitna ng pandemya.
Kasabay rin nito ang panawagan ng lady solon na palakasin ang mga umiiral na batas laban sa mga pang-aabuso.
Tinukoy ni Legarda na ang COVID-19 pandemic at ang community quarantine ay nagresulta sa nakaka-alarmang pagtaas ng gender-based violence kung saan mas lalong naging lantad sa iba’t ibang uri ng pang-aabuso ang mga kababaihan at mga kabataan habang nasa loob ng mga tahanan.
Dahil din sa mas advance na digital technology, nito lamang Mayo ay tinukoy ang Pilipinas ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT), International Justice Mission (IJM), at United States Agency for International Development (USAID) na global hotspot ng Online Sexual Exploitation of Children (OSEC).
Lumalabas pa sa report na 41% ng mga pang-aabuso ay kagagawan ng mga biological parent, 42% ay ibang mga kaanak at 83% naman ay mga related o kakilala ng biktima.
Dahil dito, pinakikilos ni Legarda ang Philippine National Police-Women and Children Protection Center (PNP-WCPC), Philippine Commission on Women (PCW), at Barangay Violence Against Women and their Children (VAWC) desks na wakasan na ang gender-based violence at ipatupad ang mga batas laban sa mga krimen at pang-aabuso.
Pinatitiyak din ng kongresista na palaging bukas ang mga channel at mga tanggapan upang madaling makapagsumbong ang mga biktima.