Ipasisilip ni Senator Ramon Bong Revilla Jr., sa Senado ang paglaganap ng mga dambuhalang billboards sa mga pangunahing lansangan.
Inihain ni Revilla ang Senate Resolution 924 kung saan binibigyang direktiba ang pinamumunuang komite na Senate Committee on Public Works na imbestigahan ang paglaganap ng mga large-scale billboards sa mga pangunahing lansangan sa bansa na maaaring maglagay sa panganib sa mga motorista.
Maliban sa mga naglalakihang billboards ay tinukoy din ng senador ang mga LED billboards at motion billboards na nagdudulot ng pagkagambala sa mga motorista dahil sa nakasisilaw na ilaw.
Kinukwestyon din ni Revilla ang structural integrity ng mga ganitong uri ng billboards na maaaring makadulot ng aksidente tuwing may kalamidad.
Sisilipin din sa gagawing pagdinig ni Revilla kung nakasusunod ba ang mga billboard owners at operators sa batayan at standards ng sukat at taas ng mga billboards at kung hindi ay dapat na papanagutin ang mga ito.