Isinulong ni Deputy Speaker at Las Piñas Rep. Camille Villar, na maimbestigahan ng Mababang Kapulungan ang paglaganap ng mga scammer o manloloko na nag-aalok ng mga kahina-hinala at mga pekeng trabaho sa abroad na bumibiktima sa mga kabataang Pilipino.
Sa inihaing House Resolution 899 ay iginiit ni Congresswoman Villar, na kailangang magsagawa ng “full-blown investigation” upang matukoy at maaresto ang mga scammer at nasa likod ng talamak na illegal recruitment.
Ang hakbang ni Villar ay tugon sa mga report na maraming mga Pilipino ang nahuhulog sa kamay ng mga sindikato at mga local placement agencies na nag-o-offer ng mga pekeng trabaho sa ibang bansa na mataas ang sweldo pero madalas na hantungan nila ay kahina hinalang cryptocurrency group.
Inihalimbawa ni Villar ang anim na Pilipino na nasagip ng Bureau of Immigration (BI) kamakailan na pawang biktima ng cryptocurrency ring na nag-o-operate abroad.
Bunsod nito ay pinayuhan ni Villar ang mga kabataang naghahanap ng trabaho na wag maniwala sa mga human traffickers na naghahanap ng maloloko at mabibikitima sa pamamagitan ng trending post sa social media ukol sa umano’y mga dream job sa ibayong-dagat.