Magsasagawa ng imbestigasyon ang Department of Justice (DOJ) hinggil sa paglaganap ng dummy accounts sa Facebook.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, nagbigay sa kanya ito ng pangamba.
Iginiit ni Guevarra na hindi kailangan ng false information sa panahong tinutugunan ng lahat ang isang seryosong public health crisis.
Ipag-uutos ng kalihim sa kanilang Office of Cybercrime na makipagtulungan sa National Bureau of Investigation (NBI) at cybercrime units ng Philippine National Police (PNP) sa imbestigasyon.
Nabatid na nagbabala ang University of the Philippines (UP) sa mga naglipanang pekeng Facebook accounts ng kanilang mga estudyante kasunod ng protesta at pag-aresto sa pitong indibidwal sa kanilang Cebu campus na naghayag ng pagtutol sa Anti-Terrorism Bill.
Maging ang mga estudyante mula De La Salle University ay nag-aalala sa kanilang cybersecurity makaraang tumambad ang mga blangkong Facebook profiles kung saan nakalagay ang kanilang mga pangalan.