Ikinatuwa ng National Security Council (NSC) maging ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang paglagda ng Pilipinas at Japan sa Reciprocal Access Agreement (RAA).
Sa panig ni National Security Council (NSC) Sec. Eduardo Año, sinabi nitong committed ang Pilipinas na palawakin pa ang kooperasyon nito sa Japan na isa sa mga strategic partner nito.
Samantala, sinabi naman ni AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla na welcome development ang paglagda sa RAA dahil lalo pa nitong mapaiigting ang kooperasyong pandepensa ng dalawang bansa.
Tiwala rin ang sandatahang lakas na malaki ang maiaambag ng Japan sa pagharap ng Pilipinas sa cyber threats lalo’t kilala ang Japan sa makabagong teknolohiya.
Kapwa naniniwala ang AFP at NSC na palalakasin ng naturang kasunduan ang depensa at military cooperation ng Pilipinas at Japan.
Sa ilalim ng kasunduan, pinapayagan ang dalawang bansa na magpalitan ng deployment ng sundalo sa kani-kanilang teritoryo at magsagawa ng joint military drill at exercises.