Paglagda ni Pangulong Duterte sa Anti-Terrorism Law, binatikos ng opposition senators

Ikinadismaya nina opposition Senators Risa Hontiveros at Francis “Kiko” Pangilinan ang tuluyang pagsasabatas sa Anti-Terrorism Law matapos itong lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Para kay Hontiveros, malinaw ngayon na mas prayoridad ng pamahalaan ang pagpatay sa ating kalayaan at ang pagkapit sa kapangyarihan sa halip na tutukan ang kalusugan at kapakanan ng mamamayan sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Si Senator Pangilinan naman ay hindi na nasurpresa sa hakbang ni Pangulong Duterte dahil sa simula pa lang ng administrasyon nito ay umiral na ang kamay na bakal na pagbibigay solusyon sa mga problema sa bansa.


Inihalimbawa ni Pangilinan ang drug war kung saan marami umano ang nasawi, ang Martial Law sa Mindanao at ang pinakamahabang lockdown na hindi naman nakapigil sa pagkalat ng COVID-19.

Kaugnay nito ay kapwa tiniyak nina Hontiveros at Pangilinan na hindi pa tapos ang laban, hindi sila papatinag at mas lalo pa nilang palalakasin ang boses laban sa mga hakbang ng pagsikil sa kalayaan.

Facebook Comments