Paglagda ni PBBM sa Anti-Agricultural Economic Sabotage Act, panawagan ng isang kongresista

Nananawagan si Agri-Partylist Representative Wilbert “Manoy” Lee kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na agad lagdaan ang panukalang batas na Anti-Agricultural Economic Sabotage Act.

Diin ni Lee, napakahalaga ng batas na ito para protektahan ang kabuhayan ng ating mga magsasaka at mangingisda at magkaroon ng seguridad sa pagkain.

Sabi ni Lee, daan din ang batas para mapangalagaan ang kabuhayan ng libo-libong mga Pilipino at mailayo sa peligro ang kalusugan ng mga consumer na pwedeng makabili ng mga hindi nasusuring produkto.


Tinukoy ni Lee na sa ilalim ng panukala ay mas pinabigat ang parusa at multa para sa mapapatunayang guilty sa large-scale smuggling, hoarding, profiteering, cartelizing, at iba pang pag-abuso sa merkado na maituturing na economic sabotage.

Ayon kay Lee, ang paglagda ni PBBM at agarang pagpapatupad ng batas ay paraan ng seryosong pagpuksa sa mga krimeng ito na patuloy na kumikitil sa kabuhayan ng mga local food producers at nagmamanipula ng presyo sa merkado na pabigat lalo sa mga mamimili.

Facebook Comments