Umaasa si Senate Majority Leader Francis Tolentino na mapapalakas ng dalawang bagong batas ang pagkilala ng international community sa karapatan ng bansa sa ating teritoryo partikular na sa West Philippine Sea (WPS).
Kaugnay nito ay itinuturing ni Tolentino na tagumpay para sa bawat Pilipino ang paglagda ni Pangulong Bongbong Marcos sa dalawang mahahalagang batas, ang Philippine Maritime Zones Act o Republic Act 12064 at Archipelagic Sea Lanes Act o Republic Act 12065.
Naniniwala ang senador na ang pagsasabatas sa dalawang panukala na ito ay magpapaigting sa pagkilala ng international community sa pakikipaglaban ng Pilipinas sa mga karapatan, gayundin sa opisyal na pagkilala sa ‘West Philippine Sea’ sa global maritime and aviation systems.
Nauna rito ay ikinalugod ni Tolentino ang pagsasabatas sa mga ito na mas lalong nagpapatibay sa integridad ng teritoryo ng Pilipinas at sa mga obligasyon at karapatan ng bansa sa lahat ng nasasakupang maritime zones kabilang na ang West Philippine Sea.
Sinabi ni Tolentino na ang dalawang mahahalagang batas na ito ay magsisilbing implementasyon ng makasaysayang 2016 Hague Arbitral Ruling na pumabor sa Pilipinas salig sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).