Nagpasalamat ang mga kongresista sa paglagda ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa Maharlika Investment Fund (MIF).
Ayon kay Quezon 3rd District Representative Reynan Arrogancia, ang MIF ay hahawi ng landas tungo sa masagana at matatag na kinabukasan para sa Bagong Pilipinas, at magbubukas ng mga bagong oportunidad para sa paglago at pag-unlad ng iba’t ibang sektor ng ating ekonomiya, lalo pa sa mga taga-kanayunan.
Positibo naman si Deputy Majority Leader at Ang Probinsyano Party-list Representative Alfred Vargas na ang MIF ay mahalagang hakbang tungo sa pag-unlad at pagpapatatag ng mahalagang sektor sa bansa.
Diin naman ni Camarines Sur Representative LRay Villafuerte, ang MIF ay tiyak na magsisilbing growth driver para sa ekonomiya ng Pilipinas sa pamamagitan ng paghikayat ng mas maraming pamumuhunan kahit pa magkaroon ng pagbagal o matitinding hamon sa pandaigdigang ekonomiya.
Una nang inihayag ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na makatutulong ang MIF para madagdagan ang pagkukunan natin ng pondo para sa mga itatayong imprastraktura nang hindi kakailanganing magtaas ng buwis o mangutang.
Tiwala naman ni House Ways and Means Chairman at Albay, 2nd District Joey Sarte Salceda, ang MIF ang mag-uugnay sa trilyong pisong investible funds sa libo-libong investable development projects sa bansa.
Pagmamalaki naman ni dating pangulo at ngayon ay Pampanga Representative Gloria Macapagal Arroyo, ang MIF ay napakalaking pangyayari sa ekonomiya ng Pilipinas.