Manila, Philippines – Itinuturing ni Health Secretary Francisco Duque III ang paglagda ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagkakapasa at pagsasabatas ng Philippine HIV/AIDS Act na makasaysayang hakbang ng pamahalaan na tutugon sa lumalang epidemiya ng nasabing nakamamatay na sakit.
Ayon kay Secretary Duque ay mabibigyan ng tamang suporta ang mga Pilipinong may HIV-AIDS kaya lubos ang kanyang pasasalamat sa Pangulong Duterte sa pagbibigay ng prayoridad at aksyon laban sa HIV-AIDS.
Itinatakda sa nasabing batas ang pagkakaloob ng komprehensibong edukasyon at mga programa sa pag-iwas para sa mga PLHIV o People Living with HIV at kanilang mga pamilya.
Paliwanag ng kalihim sa pamamagitan din aniya ng batas na ito ang mga kabataang nagkakaedad ng 15 ay maaari ng magpasuri o sumailalim sa HIV test.
Kailangan na lamang aniya na bumalangkas ng epektibong Implementing Rules and Regulations o IRR na gagabay sa mga opisyal sa pagpapatupad nito at magtuturo sa publiko kung paano susunod sa batas na ito
Naniniwala ang kalihim na bagaman matagal pa at mahirap ang landas na tatahakin, ang matatag na kolaborasyon ang solusyon upang makamit ang mithiin na maging HIV-free ang Pilipinas.