
Ipasisilip ni Senate President Tito Sotto III kung paanong nalagdaan ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga panukalang batas na inihain ngayong taon.
Mula kasi noong Nobyembre ay “no show” na si Sen. Dela Rosa at maski ang mga senador at kahit mga miyembro ng minorya sa Senado ay walang ideya kung nasaan naroroon ang senador.
Kahit absent ay nagawa pang makapaghain ni Dela Rosa noong January 13 ng mga panukalang batas at nito lamang Lunes, January 26, unang araw ng pagbubukas ng sesyon, ay nabasa pa sa plenaryo para sa first reading ang mga panukala.
Ang mga ito ay ang mga sumusunod:
1.Pagbabago ng compulsory retirement age ng mga pulis sa 57 anyos mula sa kasalukuyang 56 anyos
2. Pagtuturo sa kinder hanggang high school ng batas trapiko at disiplina sa lansangan
3. Pagpapataw ng mabigat na parusa sa mga bantay sa bilangguan na matatakasan o sadyang magpapatakas ng persons deprived of liberty o PDLs
4. Pagsusulong ng urban farming at pagtuturo nito sa elementarya hanggang kolehiyo
Gayunman, nabusisi tungkol dito si Sotto kung paanong nakalagda si Dela Rosa sa mga inihaing panukala.
Tugon naman ni Sotto ay kanya itong aalamin dahil malaking katanungan din sa kanya kung paanong nakalagda rin ang naturang senador sa minority opinion na nagpapanggap na report.










