Kumpiyansa ang Department of National Defense (DND) na mailalatag ngayon ang mas maigting na mga hakbang pandepensa ng Pilipinas at Japan.
Kasunod ito ng pormal na paglagda ng dalawang bansa sa Reciprocal Access Agreement (RAA).
Sa kaniyang opening remarks sa nagpapatuloy na bilateral meeting ng mga matataas na opisyal ng DND at Japan Minister of Defense sa The Fort, Taguig City, inihayag ni DND Sec. Gilbert Teodoro Jr. na bahagi ito ng panibagong milestone na nakamit ng magkabilang panig particular sa pagtiyak ng kapayapaan at katatagan sa Indo-Pacific region gayundin sa pagsunod sa rules-based order.
Aniya, ang paglagda sa RAA ng Pilipinas at Japan ay magsisilbing vital aspect pagdating sa usaping pangseguridad ng dalawang bansa.
Mag-aambag din aniya ang kasunduan sa mas maraming confidence building measures sa pagitan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Japanese Defense Forces, at maging ng kanilang mga kagawaran.
Sa panig naman ni Japanese Defense Minister Minoru Kihara, inihayag nito na ang nasabing kasunduan ay lalo pang magpapalalim sa cooperative relationship ng Pilipinas at Japan.
Ito ay lalo na’t ang Pilipinas aniya at iba pang mga bansa sa Southeast Asia ay itinuturing na nasa “very strategically important region” na nasa posisyon ng sea lanes ng Japan.