Paglago ng ekonomiya, dapat maramdaman ng taumbayan ayon sa isang senador

Iginiit ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na dapat maramdaman ng mga Pilipino ang muling paglago ng ekonomiya at ng bansa.

Sa deliberasyon ng Senado sa Concurrent Resolution No. 3 o ang paghahayag ng Senado ng suporta sa medium-term fiscal framework (MTFF) 2022-2028, ipinapiprisinta ni Pimentel kay Finance Committee Chairman Senator Sonny Angara, sponsor ng panukala sa plenaryo, ang economic figures ng bansa nang magsimula ang administrasyong Marcos.

Sa inilabas na figures ni Angara, target ngayong taon na maibaba sa 3% ang deficit gross domestic product (GDP) ratio na sa kasalukuyan ay naibaba na sa 6.3% kumpara sa 7% noong nakaraang taon.


Target naman na maitaas ang gross national income o GNI per capita sa $4,256 pagsapit ng 2028 na nasa $3,643 noong 2021.

Samantala, susubukang abutin ang 6.5 hanggang 7.5 percent na GDP growth para sa taong 2022 at 6.5 hanggang 8 percent na GDP growth kada taon o mula 2023 hanggang 2028.

Sinabi naman ni Pimentel na bagamat ikinalulugod niya ang mga nabanggit na targets para sa paglago ng ekonomiya ay mas magiging maganda pa ito kung ang benepisyo nito ay mararamdaman din ng mga karaniwang mamamayan.

Samantala, hiniling naman ni Senator Alan Peter Cayetano na ikonsidera din sa paglago ng ekonomiya ang pagbibigay ng balanse sa trabaho at buhay ng mga manggagawa lalo’t tulad sa matinding trapiko ay malaki ang nawawala hindi lang sa ekonomiya kundi sa kalidad ng buhay ng mga Pilipino.

Facebook Comments