Paglago ng ekonomiya, mababawi sa katapusan ng taon – Kamara

Tiwala si House Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales Jr., na mababawi pa sa huling quarter ng taon ang paglago ng ekonomiya matapos na maitala sa 5.9% ang GDP growth nitong third quarter ng 2023.

Paliwanag ni Gonzales, natatanggap na ng mga manggagawa sa pampubliko at pribadong sektor ang kanilang year-end bonuses, cash gifts at iba pang insentibo kaya nasa “growth period” na ngayon ang bansa.

Panahon din aniya ito ng pagpapadala ng pera ng Overseas Filipino Workers (OFWs) para sa kanilang pamilya at kaanak na nasa Pilipinas.


Bunsod na rin ng nalalapit na holiday ay naniniwala ang kongresista na tataas ang spending o paggastos ng publiko at mag-aalok ng mas maraming produkto at serbisyo ang mga negosyo.

Aminado si Gonzales, na ang average na 5.5% economic growth sa unang tatlong quarter ay mas mababa sa minimum target na 6% para sa buong taon.

Ngunit kung titingnan umano, mas mataas pa ito kumpara sa 5.3% na naitala ng Vietnam gayundin sa 4.9% ng China at Indonesia at 3.3% ng Malaysia.

Facebook Comments