
eMalaki ang potensyal na dagsain ng mga dayuhang investor ang Pilipinas matapos mapanatili ng bansa ang magandang credit rating o record sa pagbabayad ng utang.
Sa Malacañang press briefing, sinabi ni Finance Asec. Neil Cabiles na mas makaaakit ng investors ang bansa at magbubukas ng mga bagong trabaho ang “stable outlook” na nakamit ng bansa mula sa credit rating agency na Fitch Ratings.
Magandang indikasyon aniya ito para sa ekonomiya ng bansa dahil may kumpiyansa pa rin ang mga credit rating agencies sa Pilipinas, sa harap ng iba’t ibang tensyong geopolitical at kalakalan.
Naniniwala si Cabiles na nakatulong ang magandang track record ng Pilipinas sa pagbabayad ng utang, gayundin na walang history ng “default” ang bansa kaya nanatili ang magandang credit rating.
Ikinonsidera rin aniya ang malaking sukat ng ekonomiya ng bansa, at pagiging isa sa pinakamabilis na lumago sa ASEAN region.
Bukod sa pagdagsa ng investors, inaasahan din ang mas produktibo at napapanahong paghahatid ng mga proyekto ng pamahalaan dahil bababa rin ang babayarang interes sa mga utang na may kinalaman sa pagpopondo ng mga proyekto ng gobyerno.
Ayon naman kay Palace Press Officer Claire Castro, patunay din ito na hindi talaga itim ang kulay ng bansa, at mga ginagawang hakbang ng pamahalaan para makabangon ang ekonomiya mula sa mga iniwang utang ng nakaraang administrasyon.









