Paglahok ng publiko sa bukas na talakayan ng Bangsamoro districting bill isinulong ng BTA

Isinusulong ng Bangsamoro Transition Authority parliament ang transparent at participatory na joint public consultation hinggil sa mga inihaing districting bills para sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao na magsisilbing pangunahing batas para sa kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary Elections sa susunod na taon.

Pinangunahan ni Member of Parliament Butch Malang ang konsultasyon na ginanap sa Midsayap, North Cotabato na dinaluhan ng mga lider mula sa Special Geographic Area (SGA) ng BARMM.

Kinilala ni Malang ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang sektor at binigyang-diin na ang konsultasyon ay patunay ng kanilang misyon para sa transparent governance, inklusibong pagdedesisyon, at tunay na partisipasyon ng publiko.

“This consultation is not merely a procedural requirement. It is a commitment to transparent governance, inclusive decision-making, and genuine public participation. Values at the heart of the Bangsamoro’s pursuit of lasting peace through moral governance,” sabi ni Malang.

Binigyang-diin niya na ang redistricting ay hindi lamang basta pagguhit ng linya sa mapa, kung hindi isang prosesong may kinalaman sa representasyon, paghahatid ng serbisyo, at pag-unlad upang matiyak na bawat komunidad ay may makatarungan at malakas na tinig sa Bangsamoro Parliament.

“It is about representation, service delivery, equitable development, and ensuring that every community, large or small, has a fair and effective voice in the Bangsamoro Parliament. We are shaping structures that will influence the region for years, even generations to come,” dagdag pa niya.

Binanggit ng Parliament na ang pagiging matagumpay ng districting bills ay primaryang nakasalalay sa aktibong partisipasyon ng komunidad lalo na sa SGA kung saan binigyang-diin ng mga lider ang kahalagahan ng masusing konsultasyon sa mga residente.

Tiniyak naman ng mga opisyal na ang lahat ng pananaw mula sa LGUs hanggang sa sectoral representatives ay pakikinggan at isasama sa pagbuo ng consolidated districting bills.

Siniguro ni MP Malang sa publiko na ang kanilang mga saloobin ay dadalhin sa Parliament bilang bahagi ng legislative process.

“Makikinig kami kung ano po ang gusto ninyo pagdating sa districting bills. Ito ang primary purpose natin dito. Papakinggan namin at dadalhin para sa consideration na pag-consolidate sa mga districting bills,” ani Malang.

Sa pagtatapos ng konsultasyon, sinabi ni Malang na halos tiyak na magkakaroon ng dalawang upuan ang SGA-BARMM sa hinaharap na Parliament dahil lima sa anim na pending bills ang sumusuporta sa two-seat model para sa rehiyon.

Tampok sa konsultasyon ang mga mensahe mula sa local leaders at MPs na pawang nananawagan ng pagkakaisa, kooperasyon, at maalam na tinig ng publiko habang papalapit ang BARMM sa pag-pinalisa ng district configurations.

Facebook Comments