Kumpyansa si House Committee on Ways and Means Chairman Joey Salceda na magiging mas matatag ang ekonomiya ng bansa lalo’t nakatakdang ilabas ang Implementing Rules and Regulations o IRR ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Act ngayong linggo.
Ayon kay Salceda, principal sponsor ng CREATE Act sa Kamara, nangako ang Department of Finance (DOF) na simula ngayong linggo ay sisikapin nilang tapusin at mailabas na ang IRR ng batas.
Dahil dito, inaasahan ni Salceda na tataas na ang bilang ng mga malilikhang trabaho sa bansa sa second quarter ng taon na malaking tulong sa mga Pilipinong nawalan ng hanapbuhay sa gitna ng pandemya.
Dagdag dito ay inaabangan na rin ng kongresista ang mas matatag na Foreign Direct Investment (FDI) ng bansa dahil mailalako na ang Pilipinas bilang “investment destination” kapag naipatupad na ang CREATE.
Sa ilalim ng CREATE mula sa 30% ay ibinababa sa 25% simula sa July 2020 ang corporate income tax rate ng mga kompanya at 20% naman sa mga Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs).
Maliban dito may mga insentibo, special corporate income tax holiday at iba pang benepisyong nakapaloob para sa mga exporters, enterprises at iba pang negosyo.