
Umaasa si Senator Kiko Pangilinan sa paglakas ng sektor ng agrikultura ng bansa matapos tumaas sa P214.39 billion ang 2026 budget ng Department of Agriculture (DA).
Ayon kay Pangilinan, ito na ang pinakamataas na pondong ibinigay sa ahensya mula pa noong 2010, na isang malaking hakbang para sa pagpapataas ng kita ng mga magsasaka at pagbaba ng bilang ng mga nagugutom sa bansa.
Aniya, sa ilalim ng 2026 national budget, muling naging prayoridad ang agrikultura at nagiging malinaw ang mga outcome para sa ikasisigla ng sektor.
Bukod sa pagtaas ng kita ng mga magsasaka at mangingisda, layon din ng pagtaas sa budget ng agrikultura ang mas masustansya at abot-kayang pagkain para sa mga pamilya.
Pinalalakas din dito ang ibang mga programa tulad ng credit and risk protection upang hindi malubog sa utang at agad na makabangon mula sa epekto ng kalamidad ang mga magsasaka; pagpapalawig ng school-based feeding program kung saan kasama ang milk feeding; pag-operationalize ng Sagip Saka Act kung saan direktang bibili ang mga ahensya ng pagkain sa mga magsasaka at mangingisda at iba pa.









