Paglalaan ng dagdag na pondo para sa BARMM, tiyak na isusulong ng Kamara

Nangako si House Speaker Martin Romualdez na isusulong na mabigyan ng dagdag na pondo ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) para sa pagpapaayos sa mga nasira at nasalanta ng Bagyong Paeng lalo na sa mga lalawigan ng Maguindanao at Cotabato.

Sa kaniyang pagdalo sa Bangsamoro Parliament Forum ay inihayag ni Speaker Romualdez na makakatulong ang dagdag na pondo upang masiguro na tuloy-tuloy ang progreso at pag-lago ng rehiyon kahit pa sila ay tinamaan ng kalamidad.

Tiniyak din ni Speaker Romualdez ang buong suporta ng Bangsamoro Transition Authority sa pamamagitan ng pagpasa ng mga panukalang batas na para sa kapakanan ng mamamayan ng BARMM.


Ayon kay Romualdez, ang kanilang malasakit sa Bangsamoro people ay pag-ayon din sa panawagan ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na pagkakaisa at pag-unlad at kasama rito ang inaasam na progreso para sa BARMM.

Samantala, sa forum ay ibinida rin ni Romualdez ang maagang pagpapatibay ng Kamara sa panukalang 2023 national budget na binuo ng unang Muslim budget secretary at nag-iisang Muslim sa gabinete na si Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman.

Binanggit ni Romualdez na nakapaloob sa pambansang budget sa susunod na taon ang P74.4 billion na BARMM Block Grant, Special Development Fund at kanilang bahagi sa nakolektang national taxes.

Facebook Comments