Pinuri ni House Deputy Speaker at Batangas Rep. Ralph Recto na sa unang pagkakataon ay nilaanan ng “supersized’ budget ang school-based feeding program ng Department of Education (DepEd) sa susunod na taon.
Masaya si Recto na itinaas ito sa ₱11.7-billion pesos sa 2024 mula sa ₱5.68-billion ngayong 2023 at ito ay hiwalay pa sa ₱4.1-billion pesos na Supplementary Feeding Program ng Department of Social Welfare and Development o DSWD.
Ayon kay Recto, sa ilalim ng dalawang programa, ay bibigyan ng isang meal kada araw sa loob ng 120 days ang mga benepisaryo.
Sabi ni Recto, ngayong taon ay 1.67 million na estudyante mula Kindergarten at Grade One hanggang Six mula sa mahihirap na pamilya ang kasama sa mga benepisaryo sa ilalim ng DepEd.
1.75 million naman ang benepisaryo ng DSWD na pawang mga bata edad tatlo hanggang lima na nasa mga daycare at child development centers.
Diin ni Recto, napapanahon ang pagsasagawa ng child feeding program sa gitna ng tumataas na food inflation na nagsimula noong pandemuya at nagresulta ng nakaalarmang bilang ng mga kaso ng child malnutrition.