Paglalaan ng P420-B na pondo sa ilalim ng isinusulong na Bayanihan 3, dinepensahan ni Marikina Rep. Stella Quimbo

Hindi sapat ang Bayanihan 1 at Bayanihan 2 para tugunan ang pangangailang maiahon ang ekonomiya ng Pilipinas.

Ito ang iginiit ni Marikina 2nd District Representative Stella Quimbo sa harap ng isinusulong nilang Bayanihan 3 sa Kongreso ni House Speaker Lord Allan Velasco.

Sa ilalim ng House Bill 8628 o “Bayanihan to Arise As One Act”, nais ng mga mambabatas na maglaan ang pamahalaan ng P420 billion na pondo para ayudahan ang mga pamilya at negosyong naapektuhan ng pandemya.


Sakop nito ang paglalaan ng P108 billion na karagdagang social amelioration sa ilalim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) kung saan lahat ng mga Pilipino ay makakatanggap ng tig-P1,000 bukod pa ang ayudang maaari nilang matanggap sa ilalim ng mga programa ng Agriculture at Labor Department.

Tiniyak naman ni Quimbo na hindi magiging isyu sa Bayanihan 3 ang pagtanggap ng dobleng ayuda ng mga benepisyaryo gaya ng naging problema noon sa Bayanihan 1 at 2.

“Hindi magiging isyu po ‘yong sinasabing pagdodoble kasi may dahilan naman po kung bakit makakakuha ka ng another form of assistance. So itong pagtanggap ng P1,000 should not disqualify you from qualifying for other forms of assistance,” saad ni Quimbo sa panayam ng RMN Manila.

Kasabay nito, dinepensahan ni Quimbo ang mataas na pondong hiniling nila para sa Bayanihan 3.

“Ang katumbas po ng 9.5% GDP contraction is P3.2 trillion. Kaya po itong P420 billion na pino-propose namin, just to put it in perspective, ay hindi po ‘yan malaki. At this point in time kung hindi po gagastos ang gobyerno, eh mahihirapan tayong mag-recover,” dagdag niya.

Giit pa ng mambabatas, hindi na dapat hintayin pang mabakunahan ang lahat ng Pilipino bago tuluyang mabuksan ang ekonomiya.

Sa ngayon, mahalaga na agaran ding maayudahan ang maliliit na negosyo para mapigilan ang tuluyan nilang pagsasara.

“Realistically kasi, may delay sa pagroll-out ‘no? Kung itong sinasabi nating magpabakuna na 100%, kung kaya po natin ‘yang gawin now na, eh hindi na talaga natin kailangan itong ayuda ‘di ba. Pero pakinggan natin ang sinabi ng DOH, ang sabi nila hanggang 2023 po ‘yan. So, kailangan din natin, more importantly, ayudahan ang mga negosyong maliliit, para mapigilan natin ang tuluyang pagsasara ng mga businesses. Dahil syempre, every business close means workers losing jobs.”

Facebook Comments