Paglalaan ng pondo sa pagpapatayo ng mga permanenteng evacuation center, muling iginiit ni DSWD Sec. Erwin Tulfo

Muling iginiit ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Erwin Tulfo ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mga permanenteng evacuation center ng bawat munisipyo.

Sa press briefing ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kahapon, matatandaang hiniling ng kalihim kay Pangulong Bongbong Marcos na mapondohan ang pagpapatayo ng mga evacuation center.

Ito ay upang hindi maapektuhan ang pag-aaral ng mga bata dahil kadalasang ginagamit na evacuation centers tuwing may kalamidad ang mga eskwelahan.


“Hindi lang tuwing may bagyo e, kahit may mga sunog dito sa Metro Manila ang takbuhan agad ng mga tao, inilalagay ng Local Government Unit ‘yong mga nasunugan sa mga eskwelahan,” ani Tulfo.

“Ngayon, after two or three days, kagaya niyan, wala nang bagyo, may araw na, nasa eskwelahan pa rin ang mga tao dahil lubog pa rin ‘yong bahay nila sa baha. Ang naaapektuhan yung mga estudyante, sa halip na nagkaklase sa loob ng classroom e sa labas sila nagkaklase because may mga tao at mga pamilya na natutulog doon sa loob ng mga paaralan,” dagdag niya.

Aniya, pag-aaralan ng DSWD katuwang ang Department of Public Works and Highways at ang Housing and Urban Development Coordinating Council ang pagtatayo ng mga permanent evacuation centers.

Samantala, karamihan sa mga evacuees ang nakauwi na sa kanilang mga tahanan kahapon partikular sa mga lugar na hindi binaha.

Sa ngayon, nakatutok aniya ang ahensya sa Nueva Ecija matapos na magdeklara ng state of calamity.

Facebook Comments