Paglalabas ng ₱5 billion fuel subsidy sa 2022 budget, pinamamadali ng Kamara

Pinamamadali ni San Jose del Monte City Rep. Florida “Rida” Robes ang release o paglalabas ng ₱5 billion na “fuel subsidy” na nakapaloob sa 2022 General Appropriations Act.

Sa ilalim ng 2022 budget ay mayroong ₱5 bilyong automatic fuel subsidy kapag pumalo sa 80 US dollars per barrel ang presyo ng langis.

Nakasaad sa House Resolution 2515 ni Robes na mulang magsimula ang pananakop ng Russia sa Ukraine ay umakyat na sa mahigit 110 US dollars ang presyo ng kada bariles ng langis sa world market.


Lumobo pa ito sa 120 US dollars ngayong linggo na nagresulta sa ₱13 na dagdag sa kada litro ng gasolina at ₱7 na dagdag sa kada litro ng kerosene.

Kinalampag ni Robes ang Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na agad na i-release ang subsidiya para makatulong sa mga public transportation operators and drivers.

Babala ng Kongresista, ang napakataas na presyo ng mga produktong petrolyo ay inaasahang magpapahirap lalo sa mga PUV drivers na matagal nang nagdurusa at hindi pa ganap na nakakabangon sa epekto ng pandemya.

Facebook Comments