Walang iregularidad sa pagre-release ng Department of Budget and Management (DBM) ng ₱1-Billion calamity fund para sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ito ang iginiit ni DBM Usec. Goddess Hope Libiran kasunod ng ulat na ginastos raw ng Marcos administration ang nasabing pondo sa unang buwan nito sa pwesto.
Sa isang Facebook post, ipinaliwanag ni Libiran na ang ₱1-Billion ay para sa Quick Response Fund (QRF) ng DPWH na una nang naubos dahil sa mga nakaraang kalamidad.
Batay aniya sa batas na kapag umabot na lamang sa 50% o mas mababa ang level ng QRF ng isang ahensya ay maaari na silang humiling ng replenishment sa DBM — na ginawa ng DPWH at inaprubahan naman ng DBM noong July 12, 2022.
Punto pa ng opisyal na ang QRF ay importanteng aspeto ng pondo na nagbibigay kapasidad sa mga ahensya ng gobyerno para agad maka-responde sa mga kalamidad, kaya naman mahalagang matiyak ng gobyerno na mayroong standby fund para rito.