Manila, Philippines – Humiling ang kampo ni Vice President Leni Robredo sa Korte Suprema na payagang ilabas ang CCTV footage na magpapatunay ng batid ni dating Senador Ferdinand Marcos Jr. ang nangyaring outing sa Laguna nitong nakaraang buwan.
Naghain ang kampo ni Robredo ng kanilang apat na pahinang counter-manifestation sa kataas-taasang hukuman na tumatayong Presidential Electoral Tribunal (PET).
Kokontrahin nila ang mosyon ni Marcos na humihiling sa PET na imbestigahan ang swimming party sa Pansol, Calamba, Laguna.
Unang sinabi ni Marcos sa tribunal na sumama sa outing ang 24 na tauhan ng PET kasama si Osmundo Abuyuan, isa sa revisors ni Robredo.
Naniniwala ang dating senador na posibleng makompromiso ang resulta ng nagpapatuloy na manual recount at revision ng mga balota sa vice presidential race ang nangyaring out-of-town party.
Pero depensa ng mga abogado ni Robredo na sina Atty. Romulo Macalintal at Atty. Bernadette Sardillo, ang revisor ni Marcos na si Roderick Miranda ay nagpadala ng pagkain sa outing na mapapatunayan sa pamamagitan ng CCTV.